-- Advertisements --

Binalaan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang mga local government units (LGUs) na hindi makikipag-cooperate sa kagawaran sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Ayon kay Año, sasampahan nila ng kaso sa Ombudsman ang mga alkaldeng hindi makikipagtulungan.

Batay sa isinagawang assessment ng DILG, nasa 95 LGUs o 53 percent sa 178 LGUs ang tinukoy na lumabag sa environmental laws kung saan ito ay mula sa Metro Manila, Regions III, IV-A na nakakasakop sa Manila Bay Watershed Area.

Sinabi ng kalihim na base sa 2018 Regional Inter-Agency Committee table assessments and on-site inspections, ang naturang mga LGUs ay hindi tumatalima sa mga umiiral na environmental laws.

Pero tiniyak naman ng opisyal na 16 dito ay may malalang problema na siyang prayoridad para tulungan.

Kaugnay nito, sa panayam ng Bombo Radyo kay DILG ASec. Jonathan Malaya, kanilang tutulungan ang mga LGUs lalo na ang mga kulang sa resources.

Pinag-aaralan na rin umano ng DILG na bumuo ng Manila Bay Rehabilitation Task Force na binubuo ng iba’t ibang task groups gaya ng Law Enforcement and Security Task Group; Barangay Clean-up and Enforcement Task Group; Informal Settler Families Relocation Task Group; LGU Supervision and Capacity Development Task Group; and Inspection and Permit Issuance Task Group.

Sinabi ni Malaya na mahigpit nilang imo-monitor ang mga LGUs, lalo na sa Compliance Assessment tool para sa compliance sa Ecological Solid Waste Management Act, the Clean Water Act, the Urban Development and Housing Act, the Water Code, and other related environmental laws.