Magdaraos ang Manila Cathedral ng 3 misa para sa Ash Wednesday, bukas, Marso 5.
Ayon sa Simbahan, ang unang misa at pagpapahid ng abo ay papangunahan ni Manila Cathedral Rector Msgr. Rolando dela Cruz dakong alas-7:30 ng umaga.
Ang ikalawang misa naman at pagpapahid ng abo ay isasagawa bandang alas-12:10 ng tanghali na papangunahan ni Manila Cathedral Vicar Fr. Vicente Gabriel Bautista.
Samantala, si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula naman ang mass presider sa ikatlong misa na idaraos bandang alas-6 ng gabi.
Mag-aalok naman ang simbahan ng sakramento ng kumpisal mula alas-10 ng umaga hanggang tanghali at mula alas-3 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon.
Ang Miyerkules ng Abo ay ang marka ng pagsisimula ng 40 araw ng kwaresma o Lenten season. Ang panahon ng pagninilay-nilay, pagdarasal, pag-aayuno at almsgiving para sa mga mananampalatayang Katoliko.
Sa araw na ito, pinapahiran ng pari ang noo ng mga mananampalataya gamit ang abong galing sa palaspas sa hulma ng krus kasabay ng pagbasbas at pagsabi ng mga katagang ” Alalahanin mo na ika’y abo at sa abo ikaw ay babalik”.