Kapansin-pansin na ang mga tarpaulin na inilagay at ikinabit ng Manila City government sa mga lansangan, bilang paghahanda sa inaasahang pagdating ni golden boy Carlos Yulo at mga delegado ng bansa na sumabak sa Paris Olympics.
Si Yulo ay ipinanganak at lumaki sa Malate, Manila kung saan niya ginugol ang malaking bahagi ng kanyang kabataan habang nagsasanay sa gymnastics
Makikita sa mga pangunahing lansangan at mga eskinita sa lungsod ng Maynila ang mga larawan ni Caloy na naka-imprenta sa mga ikinabit na tarpaulin.
Laman ng mga ito ang pagbati ng lungsod sa gold medalist, kasama ang mga katagang: ‘Mabuhay ka! Caloy’, habang makikita rin ang mga katagang ‘Anak ng Maynila’ na nakalimbag sa malalaking letra.
Marami sa mga tarpaulin ay ikinabit sa mga street lights sa gilid at gitna ng mga kakalsadahan.
Una nang sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na magbibigay ito ng hero’s welcome kay Caloy sa kanyang pagbabalik mula sa makasaysayang Olympics.
Si Caloy ay ang kauna-unahang atleta ng Pilipinas na nakasungkit ng dalawang gintong medalya sa Olympics.
Ayon kay Mayor Lacuna, magbibigay din ang city government ng dalawang milyong piso bilang dagdag-pabuya kay Yulo.
Bukas ay nakatakdang dumating sa Pilipnias ang Team Philippines mula sa Paris. Ang mga ito ay gagawaran ng grand parade papunta sa Malakanyang kung saan nakatakda silang harapin at bigyang pagpupugay ni PBBM.