-- Advertisements --

Inihayag ng Lungsod ng Maynila na magpapatupad ito ng liquor ban mula Enero 8 hanggang 10 para isulong ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng Pista ng Itim na Nazareno.

Inilabas ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang executive order na nagbabawal sa pag-inom ng alak at iba pang inuming nakalalasing sa mga pampublikong lugar, tulad ng mga lansangan at eskinita.

Ipagbabawal din ang pagbebenta ng naturang mga produkto sa Quiapo partikular na sa loob ng 500-meter radius ng Minor Basilica of the Black Nazarene kung saan gugunitain ng lungsod ang religious feast sa Enero 9.

Ngayong taon ay minarkahan ang pagbabalik ng engrandeng prusisyon ng 400 taong gulang na imahe ng Itim na Nazareno o Traslacion pagkatapos ng tatlong taong pahinga dahil sa pandemya ng COVID-19.

Una na rito, ibat’ ibang tauhan mula sa mga security agencies ang ipapakalat para sa kapistahan upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto, na inaasahan nilang aabot sa halos dalawang milyong katao.