Kinumpirma ng pamahalaang lungsod ng Maynila na nakatanggap ang kanilang police force ng mga donasyong motorsiklo na galing umano sa Chinese spies.
Subalit itinanggi ng pamahalaang lungsod ang anumang interactions sa pagitan ni Manila Mayor Honey Lacuna at ng umano’y Chinese donor na si Wang Yongyi, ng Qiaoxing Volunteer Group, kasunod ng isinagawang public turnover ceremony ng mga motorsiklo. Ito aniya ang tanging pagkakataon na nagkita ang dalawa.
Ginawa ng Manila LGU ang paglilinaw kasunod ng rebelasyon ng international media company (Reuters) noong Pebrero 28 na nakatanggap umano ng donasyon ang Tarlac city at patrol vehicles para sa police force sa Manila mula sa mga Chinese national na sangkot sa mga aktibidad ng pag-iispiya.
Ngunit iginiit ng Manila LGU na ang donasyon ng kabuuang 10 motorsiklo sa lungsod ay isinagawa sa transparent na paraan at alinsunod sa itinakdang procedures.
Sa isang statement, nakasaad na masusing ni-review ng City Legal Officer and the City General Services Office ang deed of donation at sinuri din ang mga dokumento para sa mga donasyong motorsiklo at nakarehistro din aniya ang mga sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).
Kung saan kabilang sa mga donasyon ay isang 2015 model at 9 na 2016 model gasoline-fueled vehicles na ipinasakamay para gamitin ng Manila Police District (MPD).
Nilinaw din ng lokal na pamahalaan na walang cash donations o iba pang proyekto na napagusapan sa pagitan nina Mayor Lacuna at Wang.