-- Advertisements --

Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na mag-oorganisa ng Mega Job Fair ang Public Employment Service Office ng Manila sa Biyernes, April 12. 

Ang naturang job fair ay gaganapin sa isang mall sa Quezon Boulevard sa Quiapo mula alas-dyis ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon sa pakikipagtulungan ng Manila local government sa Department of Labor and Employment ng National Capital Region. 

Inaasahan na hindi bababa sa 1,000 na trabaho ang iaalok sa mga jobseeker na dadalo. 

Inabisuhan ng alkalde ang publiko na magsuot ng casual attire at magdala ng sampung kopya ng resume.

At upang maiwasan umano ang health emergencies ay mangyaring magdala ng inuming tubig at kumain muna bago pumunta sa job fair. 

Pinayuhan din ni Lacuna ang mga senior citizen at persons with disability na gusto pang mag-trabaho na makipag-ugnayan sa Public Employment Service Office para mabigyan ng assistance sa paghahanap ng trabaho.