-- Advertisements --

Magtatalaga ng apat na lugar ang pamahalaang lungsod ng Maynila na puwedeng puntahan ng mga deboto na nais dumalo sa misa sa Quiapo Church sa Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, ito ay ang mga kalye ng Villalobos, Carriedo, Hidalgo, at kasama na rin ang Plaza Miranda.

Paliwanag ni Moreno, pinahintulutan nito ang pagbubukas ng naturang mga lugar upang maiwasan ang pagbuhos ng mga tao sa mismong Quiapo Church, lalo pa’t 30% lamang ang kapasidad sa mga simbahan dahil sa pandemya.

Una rito, sinabi ng tagapagsalita ng Quiapo Church na si Fr. Douglas Badong na hindi muna isasagawa ang mga tradisyunal na aktibidad sa pista gaya ng prusisyon at pahalik upang maiwasan ang paghawa-hawa ng COVID-19.

Maliban dito, pinapayuhan din ang mga deboto na dumalo na lamang sa misa sa kani-kanilang mga simbahan at huwag nang sumadya pa sa Quiapo.

Hiniling na rin aniya ng simbahan sa Manila LGU na isara ang ilang mga kalsada sa katimugang bahagi ng Quezon Boulevard upang bigyang-daan ang mag deboto.

Dagdag naman ni Moreno, naglaan na raw ng face mask at face shield ang pamahalaang lungsod sa Quiapo Church na ipamamahagi naman sa mga deboto sa loob ng simbahan sa pista.

Inaasahan na milyun-milyong deboto ang bubuhos sa Quiapo Church sa Traslacion na gaganapin sa darating na Sabado.