Naglabas na ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng guidelines para sa pagbisita sa mga sementeryo sa Manila North at South Cemeteries para sa sa All Saints’ Day o “Undas.
Magiging epektibo ang naturang regulasyon mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3.
Bukas naman ang Manila North at South Cemeteries mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Walang mga sasakyan ang papayagang makapasok sa mga sementeryo, at ang mga libing at cremation ay pansamantalang isususpinde.
Bukod pa rito, ang paglilinis, pagsasaayos, at pagpipinta sa loob ng mga sementeryo ay papayagan lamang hanggang Oktubre 26.
Pinapayagan naman ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak, basta’t mayroon silang mga identification tag mula sa Manila Department of Social Welfare upang makatulong sa paghahanap sa kanila kung sila ay mawala.
Sinabi rin ng Manila LGU na tanging mga tent at tarpaulin na ibinibigay ng kanilang tanggapan ang papayagang maipasok sa mga sementeryo.
Pinaalalahanan din ang publiko sa mga ipinagbabawal na dalhing gamit sa loob ng mga sementeryo tulad ng baril, alak, alagang hayop, maingay na sound system, nasusunog na materyales, at iba pa.