-- Advertisements --
Nagpadala na rin ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng rescuers sa Naga city para tumulong sa relief operations sa mga biktima ng bagyong Kristine.
Idineploy ng lokal na pamahalaan ang isang team na may 14 na miyembro mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Direktang nakipag-ugnayan si Manila Mayor Honey Lacuna at Manila DRRMO sa mga opisyal ng Naga city kaugnay sa mga hakbang na gagawin para tulungan ang mga sinalantang residente sa naturang siyudad.
Nitong gabi ng Huwebes, bumiyahe ang MDRRMO team na may dalang mobile water filtration system, 2 rescue boats na may outboard motors, 2 rescue trucks at isang transporter truck.