Itinanggi ni Manila Mayor Honey Lacuna ang umano’y kalahating bilyong utang ng lungsod mula sa waste management firm na Leonel Waste Management Corporation.
Nauna na kasing pinabulaanan ng naturang kompaniya na inabandona nito ang tungkulin nito na kolektahin ang mga basura sa siyudad bago matapos ang kontrata noong Dsiyembre 31.
Sa isang statement, sinabi ng kompaniya na matapat nilang isinilbi ang kanilang kontrata hanggang sa katapusan ng Disyembre sa kabila umano ng kabuuang utang ng lungsod ng Maynila sa kanilang kompaniya na nagkakahalaga ng P561,440,000.
Sinabi din ng kompaniya na nagbigay ito ng tuluy-tuloy at maaasahang mga serbisyo sa Manila at iba pang mga lugar simula noong taong 1993.
Subalit, ipinaliwanag ni Mayor Lacuna na wala umanong binanggit ang naturang kompaniya na P500 milyong utang ng lungsod sa huli nilang pagpupulong noong Setyembre ng 2024, bagamat sinabi umano ng Leonel Waste Management na hindi na ito sasama sa bidding para sa waste management contract ng Manila para ngayong 2025.
Pinapasuri na rin aniya ng alkalde kung magkano ang utang ng lungsod subalit tiyak aniyang hindi ito nasa P500 million. Saad pa ni Mayor Lacuna na nakatakdang magbigay ng update ang City Treasurer’s Office sa naturang isyu ngayon ding araw.
Samantala, inihayag din ng alkalde na puspusan ang ginagawang paglilinis ng mga waste management contractor sa mga basura sa siyudad simula pa noong Enero 1 kung saan tumaas ng 400% ang volume o dami ng basurang nahakot nitong nagdaang holiday season.