-- Advertisements --

Nakatakdang maghain ng kandidatura si Manila Mayor Honey Lacuna bukas, Oktubre 3 para muling tumakbo bilang alkalde ng lungsod sa 2025 midterm elections.

Magiging running mate pa rin ni Lacuna si incumbent Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto. Kapwa tatakbo sina Lacuna at Nieto sa ilalim ng lokal na partidong Asenso Manileño.

Inihayag naman ni Mayor Lacuna na feeling betrayed siya o pakiramdam niya ay trinaydor siya matapos magpahiwatig ang kaniyang predecessor na si dating Mayor Isko Moreno sa kaniyang FB post na muli siyang tatakbo bilang alkalde ng kapital ng Pilipinas.

Ayon kay Lacuna, una ng tiniyak ni Moreno sa kaniya at sa kanilang partido na magreretiro na siya sa pulitika matapos matalo sa 2022 presidential elections at hindi kakalabanin si Lacuna sa mayoralty race.

Sinabi din ng Mayora na imposible ng maayos pa ang partnership sa pagitan nila ni Domagoso.

Samantala, wala pang opisyal na anunsiyo si Isko Moreno kung muli siyang tatakbo sa pagka-alkalde subalit nauna ng napaulat na posibleng magiging running mate niya ang TV host at news anchor na si Chi Atienza bilang Bise Alkalde sa ilalim ng partidong Aksiyon Demokratiko.

Matatandaan na nagkatambal noong 2019 midterm elections sina Isko at Lacuna na kapwa nanalo bilang Mayor at Vice Mayor ng Maynila.