Pinawi ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pangamba ng publiko kaugnay sa bagong struktura na ipapatayo umano kapalit ng Manila Central Post Office matapos itong masunog noong gabi ng linggo at inabot ng 30 oras bago tuluyang naapula.
Ayon kay Mayor Lacuna, ang naturang site kung saan nakatayo ang post office ayon sa zoning ordinance ng lungsod ay isang institutional zone.
Batay pa sa land use guidelines na itinakda ng Housing and Land Use Regulatory Board, ang mga general institutional zones ay inilaan para sa mga tanggapan ng gobyerno, mga ospital o clinics gayundin para sa academic, research at convention centers.
Protektado din sa ilalim ng zoning ordinance ang Manila central post office mula sa anumang pagtatangaka ng lokal o ng national government na magtayo ng anumang struktura sa lugar.
Inalala din ng alkalde na noong 2018, idineklara ang post office building bilang isang mahalagang cultural property, isang status na ibinibigay sa mga struktura na mayroong pambihirang cultural, artistic at historical significance sa Pilipinas.
Sa ganito aniyang kaso walang ibang struktura ang maaring ipatayo sa lugar kung saan nakatayo ang post office.