Daan-daang mga ipinagbabawal na bagay ang nakumpiska sa Manila North Cemetery mula Nobiyembre 1 hanggang ngayong araw, Nov. 2.
Sa dalawang araw na ito ay hinihigpitan ang pagpasok sa loob ng sementeryo bilang bahagi ng security protocol ngayong Undas 2024.
Kabilang sa mga kinumpiska o pinagbawalang maipasok sa loob ng sementeryo ay maraming lighter, pabango, sigarilyo, vape, patalim, at iba pang mga bagay na maaaring magamit sa anumang mga krimen.
Ito ay sa kabila pa ng naunang paabiso ng pamunuan ng Manila North na bawal magpasok ng mga naturang bagay.
Ayon sa Manila Police District, marami pa rin ang mga bisita na nagnais makapagpasok ng mga naturang bagay ngunit wala naman sa kanila ang nagpumilit na dalhin ang mga ito, matapos silang masabihan sa gate ng sementeryo.
Samantala, agad namang nakukuha ng mga bisita ang kanilang mga gamit paglabas sa sementeryo.
Lahat ng mga iniiwang gamit ay nilalagyan ng name tag upang mabilis matukoy, paglabas ng mga may-ari.