Nasa 25 drug personalities na ang nasawi habang 70 naman ang arestado sa isinagawang “One time, Big time” operation ang Manila Police District (MPD) simula kahapon ng alas-7:00 ng umaga hanggang ngayong araw.
Ayon kay MPD spokesperson P/Supt. Edwin Margarejo na sa 25 nasawi, 14 umano ay mga illegal drug offenders at 11 sangkot sa robbery.
Ang pagkakapatay din daw sa mga suspek ay dahil nagkaroon ng shootout at nanlaban umano ang mga suspek.
Dahil may banta din sa buhay ng mga pulis kaya pinaputukan nila ang mga nanlaban na suspek na mga armado din.
Dumipensa ang Manila Police District na legitimate ang kanilang operasyon at mahigpit na sinunod ng mga operating policemen ang police operating procedure.
Una nang nakarekober ang mga pulis ng 22 sachets ng hinihinalang shabu at 25 mga armas.
Siniguro ng pamunuan ng pamunuan ng MPD na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga lalo na ang pagsasagawa ng “One-Time, Big-Time” operation sa mga susunod na araw.
Sa kabilang dako, ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na sasampahan ng kaso ang mga naarestong indibidwal.
Nahaharap daw sa iba’t ibang mga kaso kabilang na ang theft at robbery holdup dahil sangkot daw ang mga ito sa mga serye ng nakawaan sa may area ng Quiapo, Ermita at Tondo, Maynila.
Inihayag pa ni Albayalde na simula’t sapul lalo na sa pag-upo sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte hindi tumitigil ang NCRPO sa kanilang kampanya laban sa illegal drugs.
Na-highlight lamang daw ito ngayon dahil sa nangyaring operasyon sa Bulacan na nagresulta sa pagkapatay sa umaabot sa 32 mga sangkot din umano sa droga.