-- Advertisements --
Danao
Manila Police District Director, PBGen. Vicente Danao

Magpapatupad ng rerouting scheme at road closure ang Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District (MPD) bukas Biyernes Santo, April 19 para sa mga aktibidad bukas sa Minor Basilica sa gagawing prusisyon ng Black Nazarene para sa Santo Entierro at Matre Dolorosa.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Director PBGen. Vicente Danao, magsisimula ang road closure alas-4:00 ng hapon bukas partikular sa may north bound lane ng Quezon Boulevard mula Quezon Bridge hanggang G. Puyat Street.
Habang sa rerouting scheme, lahat ng mga sasakyan na dadaan sa north bound ng P. Burgos Avenue at Taft Avenue patungong north bound lane ng Quezon Boulevard maaaring dumiretso sa MacArthur and Jones Bridge para sa kanilang mga destinasyon.
Dagdag pa ni Danao, ipapatupad din nila ang “stop and go” scheme sa ilang mga kalye sa Maynila sa sandaling dadaan na ang prusisyon.
Umaga pa lang kanina ng magsimulang mag-ikot sa North Port Terminal si Danao para personal na inspeksyunin ang latag ng seguridad sa lugar.
Simula kahapon nasa full alert status na ang buong Metro Manila.