-- Advertisements --

Tinawag ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua na isang “set-up program” ang isinagawang event nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte sa Hong Kong.

Tinutukoy ng mambabatas ang idinaos na “Pasasalamat kay PRRD with OFWs” sa may Southorn Stadium sa Wan Chai, Hong Kong nitong Linggo, Marso 9.

Sa isang press conference ngayong Lunes, Marso 10, sinabi ng mambabatas na ang crowd sa naturang event ay hindi mga OFW sa pangkalahatan kundi mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

“Hindi po natin alam kung ang kanilang biyahe dun ay talagang official dahil sa mga OFW o dahil may nagsi-circulate na rumors hinggil sa arrest warrant laban sa dating Pangulo”.

Nauna na ngang lumitaw ang espekulasyon na maaaring iniiwasan umano ng dating Pangulo ang posibleng arrest warrant laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC) sa kaniyang pagbiyahe sa HK, bagay na itinanggi ng dating chief presidential legal counsel ni Duterte na si Atty. Salvador Panelo.