Ibinasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang petisyong inihain ng isa sa nakakulong na suspek sa karumal dumal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pang biktima upang makalaya.
Hindi kinatigan ni RTC Judge Janice R. Yulo-Antero ng Branch 16 ang petisyon para sa Writ of Habeas Corpus na inihain ni Joven C. Javier, isa sa 11 nakakulong na suspek sa Pamplona massacre.
Kayat sa inisyung order ni Judge Antero noong Hulyo 5, ipinag-utos nito ang pananatili ni Javier sa Manila City jail.
Ayon naman kay Department of Justice Assistant Secretary Jose Dominic F. Clavano IV, malugod na tinanggap ng Justice department ang naging desisyon ng korte sa petisyon para sa Habeas Corpus nitong Lunes.
Ayon sa DOJ official na nakasaad sa naging pasya ng korte na walang basehan para maghain ng naturang petisyon sa umpisa pa lamang.
Saad pa ni Clavano na batid na ngayon ng hudikatura ang dilatory at diversionary tactics ng mga abogado na naglalayong isulong ang pagsasabwatan sa likod ng madugong Pamplona massacre.
Una rito, sa inihaing petisyon ni Javier para makalaya, sinabi nito na ikinulong siya nang hindi makatarungan at pinagkaitan ng kaniyang kalayaan nang wala man lamang aniyang pormal na kaso o judicial warrant.
Subalit sinabi ni Judge Antero na una ng pinabulaanan ang alegasyon ni Javier sa isinagawang pagdinig noong nakalipas na Mayo 30.
Kung saan iginiit ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Fadullon na taliwas sa mga alegasyn ng petitioner, hindi ito pinagkaitan ng kaniyang kalayaan nang labag sa batas dahil naihain na noon sa RTC sa Maynila ang impormasyon kaugnay sa Illegal Possession of Firearms at isang impormasyon para sa 3 bilang ng Murder laban sa kaniya na kasalukuyang nakabinbin sa Branch 40 at 51.
Ipinunto pa ng hukom na bigong magpresenta ng ebidensiya ang petitioner para patunayan ang mga alegasyon nito.