Nagbabala ang Manila Veterinary Inspection Board (VIB) sa publiko laban sa pagbili ng kontaminadong karne kasunod ng viral video ng mga daga na pinagpepiyestahan ang mga produktong karne sa isang tindahan sa Maynila.
Ayon kay Dr. Nick Santos, Manila Veterinary Inspection Board chief, kailangang suriin ng maigi ang mga binibiling karne kung ito ba ay malinis.
Dapat ding suriin ang kalidad ng karne kung ito ba ay luma o matagal na.
Gayundin na siguruhin na may permit ang mga tindahan o pwestong pagbibilhan ng mga karne.
Sinabi ng Manila Veterinary Inspection Board na ang mga nakakakain ng kontaminadong karne ay maaaring magkaroon ng mga sakit tulad ng leptospirosis at multiple organ failure.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Santos ang iba pang meat vendors sa lungsod at sa iba pang lugar sa bansa na maging alerto sa kalinisan ng kanilang mga tindahan upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamimili, lalo na ngayong holiday season.