-- Advertisements --

Tiniyak ng isang mataas na opisyal ng Kamara na mananagot ang mga kawani ng Manila Water kaugnay ng issue sa water crisis.

Ayon kay House Commitee on Housing and Urban Development chairman Albee Benitez hindi pa rin lusot ang mga opisyal ng kompanya sa kabila ng paghingi nito ng tawad at pag-ako ng responsibilidad sa issue.

Iginiit din ng kongresista ang nilalamang probisyon ng concession agreement ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Manila Water kung saan mananagot ang concessionaire na bigong tumalima sa kasunduan.

Nitong araw nang magkasamang sumalang sa pagdinig ng Kamara ang mga opisyal ng Manila Water at MWSS kung saan nasabon ang mga ito.

Agad hinamon ni Cong. Lito Atienza ang mga opisyal na magbitiw sa pwesto, kinuwestyon naman ni Caloocan Cong. Edgar Erice at Muntinlupa Cong. Ruffy Biazon ang kawalan ng security plan at hindi paghahanda ng Manila Water.

Habang para kay Cong. Carlos Zarate, dapat i-refund ng Manila Water ang bayad ng mga consumer na wala namang natatanggap na supply ng tubig sa ngayon.

Para sa mga kongresista dapat ibalik na sa gobyerno ang pamamahala sa tubig.

Simula bukas ay makakatanggap na raw ng 2-million liters per day na tubig ang Manila Water sa ilalim ng kanilang kasunduan ng Maynilad.

Dodoble pa ito sa 30-million liters per day sa Abril, at 50-million liters per day sa Hunyo.