Binuksan na sa publiko ngayong araw ang kakatapos lang sumailalim sa rehabilitasyon na Manila Zoo.
Ito ay upang magbigay daan sa para sa isasagawang bakunahan laban sa COVID-19 para sa mga kabataan na may edad 12 hanggang 17 anyos at mga kababayan natin na mga senior citizen.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, mula pa kaninang alas-8 ng umaga ay nasa 6,300 na mga indibidwal na ang nagparehistro sa manilazoo.ph at hindi aniya bababa sa 1,000 ang bilang ng mga indibidwal na kayang i-accomodate dito sa bawat araw.
Ang mga vaccinators aniya na magtuturok ng mga bakuna ay mula sa Bagong Ospital ng Maynila kung kaya’t maaari rin aniya na magtungo dito ang mga hindi pa nababakunahang mga bata at matatanda para makapagpabakuna.
Sinabi rin ng alkalde na maaaring pumasyal at mag-enjoy sa Manila Zoo ang ating mga indibidwal matapos na makatanggap ng bakuna ang mga ito laban sa COVID-19.
Kinakailangan lang aniya na magparehistro ang mga ito online sa ManilaCOVID19vaccine.ph upang mapahintulutang mabakunahan ang mga ito.
Marami rin aniya maaaring pagpilian ang ating mga kababayan sa lungsod ng Maynila kung saan sila makakapagpabukan.
Kabilang na dito ang mga health centers, mga paaralan, malls, 24/7 booster caravan drive-thru sa Luneta, at iba pa.
Magugunita na noong Disyembre 30 isinagawa ang soft opening ng Manila Zoo kung saan ay unang inimbitahan ang pamilya ng mga manggagawang nagtulung-tulong para sa rehabilitasyon nito.