Patuloy na makakaranas ng manipis na supply ng kuryente ang mga lugar na nasasakupan ng Luzon at Visayas grid.
Ito ay matapos na isailalim pa rin ng National Grid Corporation of the Philippines sa red at yellow alert ang naturang mga grid.
Sa isang pahayag ng ahensya, isasailalim sa yellow alert ang Luzon grid mula alas-12nn hanggang alas-3pm, mula alas-4pm hanggang alas-6pm, at mula alas-10pm hanggang alas-11pm.
Habang pagsapit naman ng alas-3pm hanggang alas-4pm at mula alas-6pm hanggang alas-10pm ay ilalagay naman ito sa red alert.
Samantala, tanging sa yellow alert lamang isasailalim ng ahensya ang Visayas grid mula alas-12nn hanggang alas-4pm, at alas-5pm hanggang alas-8pm.
Para sa kabatiran ng publiko, ang red alert ay ini-isyu ng NGCP sa isang lugar upang makamit ang consumer demand nito, gayundin ang regulating requirement ng transmission grid sa tuwing makakaranas ito ng kakulangan sa power supply.
Habang ang yellow alert naman ay inilalabas sa tuwing nagkakaroon ng kakulangan sa operating margin para makamit ang contingency requirement ng isang transmission grid.
Samantala, sa ngayon ay sinimulan na ng Energy Regulatory Commission ang ginagawa nitong preliminary investigation sa serye ng red at yellow alerts na idinedeklara sa Luzon at Visayas grid ngayong linggo.
Kaugnay nito ay sinabi ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na kasalukuyan nang kinokolekta ng power industry regulator ang mga impormasyon mula sa iba’t ibang mga planta ng kuryente, maging sa NCGP ukol dito.