Ikinagalak ng gobyerno ang resulta ng Family Income and Expenditure Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan bumaba ang poverty incidence o bìlang ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa unang bahagi ng 2018.
Sa nasabing report, nakapagtala ang PSA ng 21.0 percent na poverty incidence sa unang bahagi ng 2018. Mas mababa ito sa 27.6 percent sa kaparehong panahon noong 2015 o katumbas ng 6.6 percent pagbaba ng poverty incidence sa loob ng tatlong taon.
Ang poverty incidence ay batay sa bilang ng mga Pilipinong kumikita ng mas mababa sa poverty threshold o iyong mga pamilyang may limang miyembro na kumikita ng mas mababa sa P10,481 para sa food at non-food needs.
Batay sa mensahe ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na binasa ni Undesecretary Adoracion, ang naitalang pagbaba ng antas ng kahirapan sa 2018 mula sa 2015 ay resulta umano ng mga reporma ng administrasyon.
Ayon kay Sec. Pernia, kabilang sa mga factors na nagpababa sa poverty incidence ang paglago ng mga sektor ng construction at manufacturing na nakadagdag ng trabahong mapagkakakitaan.
Nadagdagan din aniya ang kita ng mga Pilipino, kasunod na rin ng paglipat ng mga mangaggawa sa industry at service sectors mula sa agrikultura.
Nakatulong din sa paglaban sa kahirapan ang patuloy na government intervention gaya ng Conditional Cash Transfer Program na may P600 na rice subsidy, at ang P1,000 pension increase mula sa Social Security System na pinakinabangan umano ng 3.1 million na Pilipino noong 2018 mula sa mahigit 930,000 noong 2015.
Maliban pa rito, nakatulong din ang unconditional cash transfers na P2,400 sa piling mga mahihirap na pamilya.
“Over the course of three years, we can see that poverty decreased substantially—down by 6.6 percentage points—thanks to sustained economic growth and critical and broad-based reforms and investments that have translated to employment generation and social protection,” ang pahayag ni Sec. Pernia.