CAGAYAN DE ORO CITY – Iminungkahi ngayon ng grupong Philippine Muslim Teacher’s College (PMTC) Institute of Iranun Studies sa pambansang pamahalaan na isailalim ng malalimang pag-aaral ang isang mapa na mayroong malaking kaugnayan sa pinagmulan at kasaysayan ng Pilipinas dito sa rehiyon ng Asya.
Tinukoy ni PMTC chairman Nasser Salih Sharief ang hawak na kopya nitong mapa na nagngangalang ”Carta Indigena Filipina” kung saan nakapaloob ang aktuwal na historical narratives kung sinu-sino ang mga unang lahi na madalas pumasok sa mga isla na pinag-aagawan ng ilang mga bansa sa Asya na kinabilangan ng Pilipinas at China.
Sinabi ni Sharief na sana maglaan ng pondo at panahon ang Philippine government na puntahan ang Espanya dahil nandoon sa Museo de Madrid ang kopya ng orihinal na mapang makapagbigay-linaw ng historical claim ng bansa sa West Philippine Sea islands.
Inihayag nito na kailangan ng matibay na patunay ang Pilipinas pagdating ng historical narratives dahil ipinagigiitan ng China na dalawang libo na umano sila nangingisda sa mga pinag-aagawan ng mga isla.
Kung ibabatay sa hawak na historical narratives ng Pilipinas, 250 A.D pa ang mga unang mga ninuno mula Mindanao nakarating at namumuhay sa pinag-aagawang mga isla kumpara ng Tsina na nagsisimulang naglalayag ng malayo sa siglo 12 na.