LAOAG CITY – Tiyak na maapektuhan umano ang papalapit na 2019 midterm elections sa susunod na buwan ang mga fake news na nagkalat sa internet.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa panayam ng Bombo Radyo Laoag.
Ayon kay Andanar, mababalewala ang “clean, fair at honest election” dahil sa maling impomasyon na kumakalat.
Higit aniyang maaapektuhan ng mga mapanirang “memes” ay ang mga kandidatong malinis, magaling at sinserong magbigay ng serbisyo sa bayan.
Dagdag nito na kung hindi masosolusyonan ang pagkalat ng fake news laban sa mga kandidatong inosente, siguradong matatalo ang mga ito sa darating na halalan.
Samantala, ayos lang umano ang mga memes na hindi makakapanira ng isang tao lalo na sa mga kandidato at kung ang mga ito ay para sa katuwaan lamang.