-- Advertisements --

Binasag ni dating Interior Sec. Mar Roxas ang kanyang katahimikan upang ipabatid ang kanyang pagtanggap sa pagkatalo nito sa 2019 senatorial race.

“Well, we didn’t make it. Disappointing and sad but ganyan talaga ang buhay,” wika ni Roxas.

Gayunman, nagpasalamat naman si Roxas sa lahat ng kanyang mga tagasuporta na tumulong sa kanyang kampanya at sa mga naniwala sa kanya at sa mga prinsipyo nito.

“On behalf of my whole family, maraming maraming salamat sa tiwala, suporta at malasakit. I am so very humbled and honored to have been in the trenches and frontline with you all,” ani Roxas.

Hindi naman tiyak ng dating kalihim ang susunod nitong mga hakbang matapos ang kanyang pagkabigo na makabalik sa Senado.

“For now, I encourage you to do what I’m going to do – hug my family, nurture them, learn some more, work some more, love some more… in short, try to live life to the fullest,” wika ni Roxas.

“In this way, we can revive our spirit, and get strong. Our country continues to need us and our best efforts,” dagdag nito.

Batay sa final and official tally mula sa Commission on Elections (Comelec), nakatipon lamang si Roxas, na kandidato ng opposition slate, ng 9.8-milyong boto at nasa ika-16 lamang na puwesto.

Ito na ang ikatlong sunod na pagkatalo ni Roxas sa eleksyon, makaraang mabigo rin ito sa kanyang vice-presidential at presidential bids noong 2010 at 2016 elections, ayon sa pagkakasunod-sunod.