Tanggap na ni dating Interior Sec. Mar Roxas ang kanyang pagkatalo sa 2019 senatorial race.
Sa isang statement, sinabi ni Roxas na nakakadismaya man pero tanggap na raw niya ang kanyang kapalaran sa nagdaang halalan.
“Well, we didn’t make it. Disappointing and sad but ganyan talaga ang buhay,” ani Roxas.
Nabatid na humigit kumulang 9.8 million votes ang nakuha ng dating kalihim, na kandidato ng oposisyon sa ilalim ng Otso Diretso slate, ayon sa final at official tally ng Comelec.
Ito na ang ikatlong magkakasunod na talo ni Roxas sa halalan makaraang matalo sa vice-presidential at presidential bids noong 2010 at 2016 polls.
Gayunman, nagpasalat si Roxas sa kanyang mga supporters na tumulong sa kanya noong panahon ng kampanya at sa tiwalang ibinigay ng mga ito sa kanya.
“On behalf of my whole family, maraming maraming salamat sa tiwala, suporta at malasakit. I am so very humbled and honored to have been in the trenches and frontline with you all,” ani Roxas.
Sa ngayon, hindi pa raw niya alam kung ano na ang mangyayari sa kanya kasunod ng kanyang pagkatalo sa halalan.