Handang tumestigo ang marami pang mga biktima umano ni KOJC founder Apollo Quiboloy sa Senado ayon kay Senate Deputy Minority leader Risa Hontiveros.
Sa isang statement, sinabi ng Senadora na maraming biktima pa ang nais na tumestigo para ipaglaban ang kanilang pagkatao, dignidad at ang buong katotohanan.
Matatandaan na noong Enero nang nagsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Hontiveros sa testimoniya ng isa sa umano’y mga biktima ni Quiboloy na may alias na ‘Amanda’ na nagsiwalat sa umano’y pang-aabusong sekswal ng naturang pastor.
Samantala, sa isang panayam ngayong araw, sinabi din ni Davao City Police chief PCol. Hansel Marantan na 2 mula sa umano 5 biktima ng sex slavery ni Quiboloy ang desidido ng tumestigo laban sa kaniya.
Ayon sa police official, ginamit umano ng pastor ang nasabing mga menor de edad bilang kaniyang sex slaves na nasa murang edad pa lamang na 12 anyos o 13 anyos. Saad pa nito na bawat isa umano sa mga biktima ay naka-schedule na makipagtalik kay Quiboloy.
Inihayag din ni Col. Marantan na mahigit 15 pang menor de edad ang kailangang masagip sa loob ng KOJC compound sa Davao city, subalit ayon naman kay KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon, nananatiling alegasyon pa lamang ang mga ito na kailangan pang imbestigahan.