Nasira ang maraming mga bangkang pangisda sa probinsya ng Batanes kasabay ng pananalasa ng bagyong Leon.
Ayon kay Dr. Ritchie Rivera, ang Provincial Fishery Officer ng Batanes, maraming mga mangingisda na ang nag-ulat ng pagkalubog ng kanilang mga bangkang pangisda, ang ilan ay nawasak, habang ang iba ay tuluyan nang inanod sa karagatan.
Maraming mga boat engine rin ang nalubog sa tubig at posibleng hindi na magamit ng mga mangingisda.
Ilan sa mga inisyal na nakapag-ulat ng maraming bangkang pangisda na nasira ay sa mga bayan ng Itbayat, Ivana, Basco, at iba pang lugar.
Plano naman ng probinsya na likumin ang lahat ng datus kapag naging mabuti na ang lagay ng panahon upang matulungan ang mga mangingisdang magkaroon ng panibagong mga bangka.
Ayon pa kay Dr. Rivera, sa nakalipas na pananalasa ng bagyong Julian, maraming mga bangkang pangisda rin ang nasira at nalubog sa tubig na hanggang sa ngayon ay hindi pa napapalitan.