Sinang-ayunan ng 23 mga lider ng iba’t-ibang bansa at ang World Health Organization na bumuo ng international treaty para sa pagtugon sa mga health emergencies gaya ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay European Union leader Charles Michel na ang nasabing hakbang ay para matiyak ang universal at pantay na distribusyon ng mga bakuna, gamot at ibang mga medical na kagamitan sa tuwing mayroong pandemics na nagaganap.
Ang nasabing ideya ay inindorso na rin mula pa noong Enero ni WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus subalit ito ay kasalukuyan pa ring binabalangkas.
Una kasing nahaharap sa mga batikos ang WHO lalo na noon kay dating US President Donald Trump na inakusahan pa ang mga ito na pinoprotektahan ang China.
Ilan sa mga bansang nagbigay ng suporta sa nasabing panukala ay ang Ukraine, Indonesia, Serbia, Norway, Spain, Senegel, Tunisia, Netherlands, Trinidad and Tobago, South Africa, Albania, Costa rica, Chile, Korea, Greece, Germany, France, Kenya, Rwanda, Britain, Romania, Portugal at Fiji.