Lubog na sa tubig-baha ang maraming mga barangay sa probinsya ng Cagayan, kasunod na rin ng malawakang pag-ulan na idinulot ng bagyong Nika.
Ayon sa Provincial Government ng Cagayan, umapaw na ang Cagayan River at nagdala ng mga pagbaha sa maraming mga barangay sa Tuguegarao City at mga munisipalidad ng Alcala, Amulung, Baggao, Enrile, at bayan ng Solana sa southern Cagayan.
Naabot na rin ng tubig-baha ang mga coastal town ng Cagayan tulad ng Buguey, Gonzaga, Aparri, at iba pang lugar.
Ngayong araw ay nagkaroon din ng flash flood sa bayan ng Gonzaga, kung saan maraming mga kabahayan ang pinaniniwalaang nasama at nasira dahil sa rumaragasang tubig-baha.
Maraming mga kalsada rin sa Cagayan ang hindi na madaanan dahil sa patuloy na pag-angat ng tubig. Kinabibilangan ito ng ilang kalsada sa mga bayan ng Sto. Nino, Baggao, Alcala, Enrile, Piat, Solana, at Tuguegarao City.
Sa lungsod ng Tuguegarao, mayroong inisyal na 21 brgy ang nalubog sa tubig baha at umabot na sa mahigit tatlong indibidwal ang inilikas.
Tuloy-tuloy pa rin ang paglilikas sa mga residente habang nagpapatuloy ang pagtaas ng lebel ng tubig mula sa Cagayan River, ang pinakamalaking ilog sa buong Pilipinas.