LAOAG CITY – Maraming mga magsasaka sa Ilocos Norte ang nagbantang tumigil na lamang sila sa pagsasaka dahil sa napakababang presyo ng palay kung saan umaabot na sa ngayon ng P7-P10 kada kilo.
Ayon kay Sanguniang Bayan member Jonathan Sagario sa bayan ng Bacarra, nangangamba ang mga magsasaka sa lalawigan na kung hindi masolusyunan ang patuloy na pagbaba ng presyo ng palay ay malaki ang posibilidad na wala nang gustong bumili sa kanilang mga ani.
Sinabi pa ng opisyal na ang isa pang malaking problema ng mga magsasaka ay ang posibleng hindi na sila makabayad sa kanilang utang na ginamit nila sa pagsasaka.
Dagdag ni Sagario na base sa mga nakakausap nilang mga magsasaka ay plano nilang tumigil na sa pagsasaka at mag-alaga na lamang umano sila ng mga hayop at isda.
Paliwanag ni Sagario na maganda ang Rice Tarrification Law dahil kasama dito ang modernong paraan ng pagsasaka subalit hindi umano nakita ang magiging epekto nito sa mga magsasaka.
Dahil dito, umaasa si Sagario na masolusyunan ng gobyerno ang hinaing ng mga magsasaka, hindi lamang sa Ilocos Norte kundi maging sa buong bansa.