VIGAN CITY – Naniniwala si COMELEC (Commission on Elections) Commissioner George Garcia na marami sa mga Pilipino ang makikibahagi sa isang buwang Overseas Absentee Voting sa iba’t ibang panig ng mundo kompara noong 2019 midterm election.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Commissioner Garcia, aabot sa 1.7 milyong kababayan sa ibang bansa ang makikilahok at kauna-unahang boboto sa mga kandidatong napupusuan sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Kabilang dito ang pangulo, bise presidente, 12 senador, at Party-list group.
Dalawa aniya ang paraan upang makaboto ang mga Overseas Filipino Worker- una ang pagtungo sa embahada o konsulada ng Pilipinas at ang pangalawa ay ang pagpapadala sa kanila ng mga gagamiting balota bago isusumite sa embahada o konsulada ng bansa.
Nagkakaroon din aniya ng konsiderasyon ang COMELEC sa mga bansang mayroong mataas na Coronavirus Disease 2019 cases gaya ng Hong Kong, China at mga bansang mayroon kaguluhan o conflict areas.
Magsisimula ang overseas absentee sa darating na April 10.