LAOAG CITY – Marami na ang mga manggagawa sa South Korea ang tinanggal sa trabaho simula nung nagkaroon ng coronavirus.
Ito ay ayon kay Jennylen Quilisadio, tubong Isabela pero kasalukuyang naninirahan sa Daejon, may ari ng isang Agency na nagrerecruit sa mga gustong magtrabaho sa lugar.
Sa interview ng Bombo Radyo Laoag kay Quilisadio, sinabi niya na maraming mga kompanya sa lugar ang nagtanggal ng trabahador dahil halos wala na silang kinikita.
Aniya, dahil takot na ang mga taong lumabas ng bahay ay halos wala nang pumupunta sa mga malls, restaurants, at iba pang establisimiyento kaya malaki na rin ang lugi ng mga negosyante.
Dagdag ni Quilisadio na may ilan namang manggagawa na mas piniling mag-resign na lamang dahil sa takot lumabas ng bahay na baka mahawaan ng nasabing virus.
Samantalang, sinabi naman ni Gennie Kim na nagtatrabaho sa Seoul, umaabot na sa mahigit 5,300 ang kumpirmadong apektado ng coronavirus sa buong South Korea.
Ito ay matapos nakapagtala ang South Korea ng 516 na bagong kaso.