Sunod-sunod na ring nagpaabot ng pagbati at kagalakan ang iba pang mga bansa matapos ang tuluyang pag-dismiss ng korte sa huling drug case ni dating Senator Leila De Lima.
Maliban sa US na agad naglabas ng pagbati matapos ang desisyon ng korte, naglabas na rin ng kanilang kagalakan ang mga ambassador ng European Union, Canada, Germany, UK, Australlia, Netherlands, at France.
Ayon kay EU ambassador Luc Veron, ang naging desisyon ng korte ay maituturing na panalo ng hustisya.
Natutuwa aniya ang 26-member states ng EU sa naturang desisyon na nagpapakita ng hustisya at karapatang pantao.
Ayon naman kay Canadian Ambassador David Hartmann, welcome sa kanyang bansa ang naging desisyon ng korte. Mahalaga aniya ang transparency, evidence, at kalayaan ng hudikatura para sa pag-abot ng hustisya.
Tinawag naman ni German Ambassador Andreas Pfaffern ang naging desisyon bilang panalo para sa hustisya at pag-iral ng batas.
Kasabay nito ay nanawagan ang ambassador sa pamahalaan ng Pilipinas na agarang resolbahin ang lahat ng kaso ng extrajudicial killings at panagutin ang mga nasa likod nito.
Para kay Australian Ambassador Hae Kyung Yu, mananatili ang Australlia sa pagsuporta nito sa pag-iral ng batas at pagrespeto sa karapatang pantao. Natutuwa aniya ito na nakilala niya si De Lima na tinawag din niyang ‘ strong and courageous woman’.
Nitong Lunes June 24, ay kinatigan ng korte ang petisyon ng kampo ni De Lima na kumukwestyon sa ebidensyang ipinakita ng prosekusyon para sa kanyang huling drug case.
Dahil dito ay tuluyan na ring napawalang-sala ang dating Senador na kilala bilang isa sa pinakamalaking kritiko.