Handa umano ang karamihan sa buong mundo na magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19, ngunit wala raw tiwala sa mga bakunang dinevelop ng China o Russia kaysa sa mga gawang Germany o Estados Unidos.
Batay sa isang international survey na isinagawa ng polling company na YouGov, mga taga-United Kingdom at Denmark ang mas handang magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19, habang may duda naman ang mga taga-France at Poland.
Natuklasan din sa survey na unti-unting tumataas ang porsyento ng mga handang magpaturok ng coronavirus vaccine sa maraming mga bansa nitong mga nakalipas na linggo lalo pa’t nag-umpisa na ang vaccination program sa mga bansa sa Europa, North America, at Asya.
Sa Britanya, umabot sa 73% ang mga nais magpabakuna, habang 70% naman sa Denmark.
Gayunman, sa Amerika, wala pa sa kalahati ng mga na-survey ang nagsabi na interesado silang mabakunahan.
Ayon sa YouGov, bagama’t may mga nagsabi na hindi muna sila magpapaturok ng COVID-19 vaccine, karamihan daw sa mga rason dito ay mas pipiliin muna nilang mag-obserba kung ligtas ang mga bakuna, habang ang ilan ay dahil sa naimpluwensiyahan sila ng mga “anti-vaxxers.” (Reuters)