LAOAG CITY – Ipinaalam ni Bombo International News Correspondent na si Zenny Closa mula sa South Korea na maraming mga Pilipino ang nagulat at nag-aalala matapos na ideklara ni South Korean President Yoon Suk Yeol ang Martial Law.
Gayunpaman, sabi niya na normal o business as usual ang kasalukuyang sitwasyon sa kanilang bansa.
Ayon kay Closa, walang ipinatupad na suspensiyon ng klase sa mga paaralan at opisina sa kabila ng deklarasyon ng South Korean President.
Aniya, sa kasalukuyan ay tahimik ang nasabing bansa at walang mga kakaibang pangyayari o alinmang insidente.
Dagdag pa niya, nagkaroon ng biglaang pagpupulong ng mga mambabatas sa South Korea para mapag-usapan ang naging desisyon ng Pangulo.
Una rito, binawi rin ni South Korean President Yoon Suk Yeol ang Martial Law matapos magpasa ng mosyon ang South Korean parliament sa isinagawang National Assembly na humihiling ng pagtanggal ng nasabing Martial Law.