-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hindi ikinaila ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na maraming mga residente ang natuwa sa pagdating ng Bagyong Falcon sa bansa dahil sa nakaraang tagtuyot na naranasan sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC spokesman Mark Timbal, base sa kanilang mga natatanggap na report, karamihan sa mga residente na nakatira sa mga lugar na dinaanan ng bagyo ay natuwa dahil nagkaroon ng sapat na tubig sa mga irigasyon at ilog para sa kanilang pagsasaka.

Ikinatuwa naman ng NDRRMC na walang masyadong malaki at masamang epekto ang bagyo sa mga lugar na dinaanan nito kahit na may kalakasan ang hangin at ulan na dulot nito dahil na rin sa epekto ng habagat.

Aniya, patuloy umano ang kanilang monitoring hanggang sa makalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa araw ng Biyernes at sa posibleng pagpasok ng isa pang Low Pressure Area na maaaring pumasok sa PAR sa mga susunod na araw.

Muli namang ipinaalala ng opisyal na bagama’t walang masyadong masamang epekto ang bagyo sa mga lugar na dinaanan nito ay kinakailangan pa ring maging alerto at makinig sa mga babala upang maiwasan ang anumang maitalang casualty.