-- Advertisements --
VP Leni Robredo
VP Leni Robredo

Aminado si Vice Pres. Leni Robredo na hindi madali ang kanyang pagpili sa desisyon na tanggapin ang appointment ni Pangulong Duterte na maging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Bunsod daw kasi ito ng pagtutol ng karamihan sa kanyang mga kaalyado na hindi nakumbinse sa sinseridad ng alok ng Malacanang, lalo na’t tila taliwas dito ang naging pahayag kamakailan ng mga malalapit sa presidente.

“Iyong pinakamahirap talaga, dahil almost all nag-a-advise sa akin na huwag kong tanggapin. Hindi ko mabe-blame, kasi iyong mistrust sa sincerity ng pag-alok sa akin, makikita naman natin iyan sa statements ng ibang mga nakapalibot sa Pangulo. Pero iyong sa akin kasi, aware ako sa lahat na threats,” ani Robredo sa isang interview sa Tanay, Rizal nitong araw.

“Pero ito, binibigyan ako ng pagkakataon na baguhin iyong ayaw ko na nangyayari. So kahit sobrang hirap, susubukan. Susubukan. Ang ninanais lang natin, na sana seryoso na… sana seryoso na talagang titingnan na iyong pag-appoint sa akin para mas bumuti. Kasi makikita naman natin iyan in the coming days kung seryoso. Pero sa akin, paano natin makikita kung hindi natin susubukan. So iyong sa akin naman, never akong umurong sa.. never naman akong umurong sa mga pagsubok na ganito. Iyong pinakamasama sa lahat, na hindi ko sinubukan,” dagdag pa nito.

Nilinaw ng pangalawang pangulo na handa siyang humarap sa gabinete sakaling ipatawag ito, lalo na’t sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na pwede ng umatteng ng Cabinet meeting ang bise presidente.

Sa ngayon wala pang natatanggap na official invitation ang Office of the Vice President mula sa palsy hinggil sa pagdalo nito sa pulong ng cabinet members.

“Parati naman akong handa. Parati naman akong handa. Pero siyempre, bine-bear in mind ko na in the first place, ako iyong ayaw pa-attend-in ng Cabinet meetings. So hindi ko naman ipagpipilitan iyong sarili ko. So iyong sa akin, kapag pina-attend ako, mag-a-attend ako. Pero ang sa akin kasing focus, mapabuti iyong bagong assignment na ibinigay sa akin.”