BAGUIO CITY – Naaalarma na ang Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Baguio City.
Ayon kay BGHMC Infection Prevention Control Department Head Dr. Thea Pamela Cajulao, nasa critical level na ang kalagayan ng lunsod hinggil sa COVID-19 dahil marami sa mga pasyente ang itinuturing na severe o critical lalo na yaong mga matatanda.
Batay sa rekord ng ospital ngayong Nobyembre, mayroong 20 pasyente na itinuturing na severe at anim ang nasa kritikal habang apat na ang nasawi ngayong buwan.
Aniya, marami na ring health workers sa lunsod ang nagpositibo sa COVID-19 kayat humiling sila ng time out o pagpapahinga.
Gayunpaman, aminado ito na mahirap mapagbigyan ang kahilingan ng mga health workers sa Baguio City.
Sa ngayon, aabot na sa 2,850 ang kabuoang kaso ng COVID-19 sa lunsod, 2,539 ang mga gumaling, 272 ang mga aktibo at 39 ang mga nasawi.
Una nang sinabi ng OCTA Research Team na isa ang Baguio City sa mga itinuturing na hotspots of serious concern’ sa COVID-19.