BAGUIO CITY – Dumarami na umano ang mga Pilipino sa Myanmar ang nag-avail sa release flight na ini-aalok ng Philippine Embassy sa Myanmar kasunod ng military take-over sa pamahalaan sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Bombo International Correspondent Atty. Jobert Pahilga na bunsod ito ng pagsara ng ilang mga establisyimento na pinagtatrabahuan ng mga nasabing Pinoy.
Gayunman, ibinahagi niya na nananatiling ligtas ang mga Pilipino na nagtatrabaho at naninirahan doon lalo pa at hindi sila sumasali sa mga kilos-protesta.
Sinabi pa nito na nagsara ang mga bangko at iba’t-ibang sektor ng ekonomiya sa Myanmar dahil sa nangyayari ngayon doon.
Sa ngayon, hawak na aniya ng militar ang mga key positions at appointees sa mga rehiyon ng Myanmar habang karamihan sa mga residente doon ay lumalahok sa mga kilos-protesta bilang pagkontra sa pamumuno at kagustuhan ng mga militar na deklarasyon ng state of emergency sa loob ng isang taon.
Kabilang pa rin sa mga hinaing ng mga taumbayan doon ang pagpapalaya kay Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi kasabay ng pagkondena nila sa hindi pagtanggap ng militar sa resulta ng botohan at ang panunumbalik ng civilian government.