DAVAO CITY – Marami ang naitalang pinsala sa lalawigan ng Davao del Sur matapos ang nangyaring magnitude 6.6 na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao kahapon.
Batay sa huling pagtala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa lalawigan ng Davao del Sur, dalawa na ang namatay sa Magsaysay at dalawa rin ang missing.
Una nang nakilala ang isa sa mga kumpirmadong namatay na si Jessie Riel Parba, 15, Grade 9 student at residente ng Brgy. Blocon sa nasabing lugar matapos mahulugan ng debris sa nasira nilang paaralan.
Namatay din ang isang Benita Saban, residente ng Brgy. Tagaytay, Magsaysay, Davao del Sur matapos ang nangyaring landslide dahil sa malakas na lindol.
Nasa 41 naman ang injured kung saan 19 ang sa Digos, 14 sa Bansalan, dalawa sa Magsaysay, tatlo sa Matanao at tatlo sa Padada.
Aabot din sa 239 na mga bahay at istruktura ang nasira kung saan 17 sa mga ito ay totally damage habang nasa 222 ang partially damaged.
Naitala rin ng ahensiya ang 76 na pagkasira ng imprastraktura kung saan isa ang totally damage habang 75 naman ang partially damaged.
Partially damaged naman ang Hagonoy Municipal Police station.
Nabatid na dalawang mga barangay roads din sa Matanao Davao del Sur ang hindi madaanan ngunit nagsasagawa na ng clearing operation matapos ang nangyaring landslide sa national highway ng Sito Baluyan, Malalag.
Wala namang pasok ngayong araw sa lalawigan ng Davao del Sur dahil magpapatuloy pa ang pagsasagawa ng assessment sa mga istruktura lalo na at isa ang lalawigan sa mga nakapagtala ng malaking pinsala.
Samantalang sa lungsod ng Davao, may naitalang partially damage sa mga paaralan at ilang gusali ngunit hindi naman ito delikado.
Pinayuhan din ni Rodrigo Bustillo, head ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDDRMO) ang mga safety engineers na kailangan magsagawa ng inspeksiyon sa mga gusali para sa kaligtasan ng mga empleyado.
Dapat din umano na kumuha muna ng clearance mula structural engineer ang mga apektadong gusali bago ito magpatuloy sa kanilang operasyon.