-- Advertisements --
Congo ebola OFW

NAGA CITY – Tila naging immune na umano ang mga residente ng Congo sa mga usapin patungkol sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa report ni Bombo international correspondent Teressa Burce, sinabi nitong sa kabila ng kaliwa’t kanang banta ng COVID-19 pandemic sa iba’t ibang panig ng mundo ay tila hindi nito natitinag ang mga residente ng Congo.

Ayon kay Burce, may mga ipinapatupad namang mga precautionary measures ang pamahalaan gaya ng social distancing, home quarantine at pagsusuot ng facemask ngunit hindi aniya sumusunod ang mga tao.

Nabatid na una nang naitala sa nasabing bansa ang Ebola outbreak noong mga nakaraang taon kung kaya tila nasanay na ang mga tao sa usapin ng virus.

Kaugnay ito, bagama’t hindi pa naman gaanong malala ang sitwasyon sa lugar ngunit agad aniyang inilockdown ng gobyerno ang Kinkasha City sa pangamba na maapektuhan ito ng virus.

Nabatid na ang naturang lungsod ang pinakasentro ng trade and industry sa bansa kung kaya nababahala ang mga otoridad sakaling mapasok ito ng COVID-19.

Sa kabila nito, labis aniya ang pag-iingat ng mga Pinoy na nananatili ngayon sa Congo dahil hindi rin madali ang paghingi ng tulong dahil malayo rin sa lugar ang embahada ng Pilipinas.