Magdaragdag pa ng team ang Philippine Red Cross (PRC) para sa psychosocial support sa mga biktima ng Batanes quake na dumaranas ng matinding trauma.
Sinabi ni PRC chairman Sen. Richard Gordon sa Bombo Radyo na bagama’t kumilos na agad ang kanilang chapter sa Batanes matapos ang pangyayari, nakikita nila ngayon ang malaki pang pangangailangan ng dagdag pang tulong dahil sa halos 3,000 residente ng Itbayat.
Ayon naman kay Batanes Gov. Marilou Cayco sa panayam din ng Bombo Radyo, pangunahing problema nila ang patuloy na aftershocks at mga naitatalang pag-ulan.
Nasa tent lang kasi nananatili ang karamihan sa mga residente ng Itbayat, dahil natatakot silang manatili sa mga natibag na lumang bahay.
Ayon naman kay Itbayat, Batanes Mayor Raul de Sagon, pagkain ang kailangan nila dahil limitado ang supply nito at hindi na tatagal.