CAUAYAN CITY – Maraming residente na ang lumikas sa isla ng Calayan sa Cagayan dahil sa bagyong Egay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joseph Llopis sinabi niya na kahapon pa lamang ay nasa 153 pamilya na ang lumikas na binubuo ng 538 indibidwal na mula sa walong barangay ng Calayan.
Aniya maagang isinagawa ng lokal na pamahalaan ang preemptive evacuation sa mga residente dahil sa inaasahang malakas na ulan at hangin na dulot ng bagyo.
Hindi naman nahirapan ang mga awtoridad sa paglikas sa mga residente dahil kusa nang lumikas ang mga ito at karamihan sa kanila ay mga malapit sa dagat.
Linggo pa lamang ay ipinagbawal na ang pagpapalaot ng mga mangingisda at dahil na rin sa gale warning ng PAGASA.
May mga family food packs at non-food items naman aniya na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakaimbak at nakatakdang ipamahagi sa mga mamamayan.
Nanawagan naman siya sa pambansang pamahalaan na kung maari ay dagdagan ang ibibigay na assistance pangunahin na ang pagkain dahil hindi lamang ang mga nasa evacuation centers ang apektado kundi maging ang mga residenteng hindi lumikas.