-- Advertisements --

Isasabay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pag-aayos sa mga sirang kalsada, kasabay ng long weekend mula ngayong araw hanggang sa Lunes, August 26.

Ayon sa MMDA, ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang sasailalim sa road repair kabilang ang mga sumusunod:

Ilang bahagi ng EDSA, partikular na ang West Avenue, North Avenue, Quezon Avenue, Bansalangin at Lanutan sa Quezon City; Monumento sa Caloocan, at Ayala tunnel sa Makati.

Kasama rin dito ang ilang bahagi ng Tandang Sora Avenue, Mindanao Avenue at Commonwealth Avenue sa Quezon City; Gen. San Miguel street sa Caloocan, at Roxas Boulevard malapit sa EDSA flyover sa Parañaque.

Ilang mga bahagi ng mga naturang kakalsadahan ay pansamantalang isasara habang isinasagawa ang repair o pag-aayos at road reblocking activities.

Dahil dito, inabisuhan ng MMDA ang publiko na baybayin na lamang ang ibang mga alternatibong ruta upang hindi maabala.

Bubuksan naman ang mga naturang kalsada sa Aug 27, alas-5 ng umaga.

Una nang sinabi ng MMDA na suspendido muna ang Number Coding Sheme ngayong araw at sa Araw ng Lunes, kapwa mga pista opisyal.