-- Advertisements --

Muling nabalot ng andap ang maraming sakahan sa Atok, Benguet dahil sa nagpapatuloy na mababang temperatura.

Mula nitong araw ng Lingo, January 26, sunod-sunod na ang pagbalot ng andap sa mga pananim ng mga magsasaka, tulad ng repolyo, carrots, Baguio pechay, atbpang highland vegetables.

Malaking bahagi nito ay naitala sa Paoay, Atok na isa sa pangunahing supplier ng mga naturang agri products.

Ayon sa mga magsasaka, kada umaga ay kinakailangan nilang sabuyan ng tubig ang kanilang mga pananim upang matanggal at matunaw ang mga andap na bumabalot sa mga dahon at talbos na mga pananim.

Una nang naitala ang pinakamababang temperatura ngayong amihan sa La Trinidad, Benguet na 9.4 degrees celcius.

Inaasahan pang lalong bababa ang temperatura sa mga susunod na araw hanggang sa buwan ng Pebrero dahil sa patuloy na paglakas ng hanging amihan na pangunahing nakaka-apekto sa northern Luzon.