-- Advertisements --

Sumama raw ang loob ng labing-isa o labindalawang senador matapos na isnabin ang kanilang apela sa caucus na dagdagan ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025, ayon kay Senadora Imee Marcos. 

Tanging binanggit lamang ni Marcos na mga pangalan ay sina Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Christopher “Bong’ Go, Robinhood Padilla at Villar ngunit aabot daw sa isang dosena na mga senador ang masama ang loob. 

“Yes, medyo masama ang loob namin nina Senator Bato, Senator Bong Go, Senator Robin Padilla, Senator Villar. Marami kami. Kasi isang dosena kami yata o labing isa na nagtaas ng kamay at sinabi dagdagan yung budget ni OVP. Kaya lang binalewala eh,” giit ni Marcos. 

Kinwestiyon daw ni Marcos sa caucus kung bakit hindi dagdagan ang budget ng OVP ngunit ang tugon daw sa pagpupulong ay hindi humingi ang opisina ng bise ng karagdagang pondo. 

Tinabla naman ni Marcos ang sinabi ni Senate Committee on Finance Chairman Senadora Grace Poe na capacitated o may kakayahan ang OVP na makapagtrabaho sa P733 million na pondo para sa 2025. 

Giit ng senadora, hindi mangyayari na sasapat ang pondo gayong maraming masisisante na mga empleyado sa OVP at magsasara rin daw ang mga regional aT provincial offices. 

Sa palagay ni Marcos, hindi na magsusumite pa ang OVP ng “wishlist” dahil labis na aniyang bugbog-sarado sa Kongreso ang tanggapan ng bise. 

Pinanatali ng Senado sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill ang P733 million na pondo ng OVP batay na rin sa inirekomendang budget ng Kamara. 

Nakapaloob sa pinal na inaprubahang bersyon ng mataas na kapulungan ang tinapyas na budget ng tanggapan ng bise mula sa orihinal na panukalang pondo na P2.03 billion.