KORONADAL CITY – Umaabot sa mahigit 100 sibilyan ang nagsilikas matapos ang nangyaring engkwentro sa bayan Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon sa impormasyon nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ang grupo ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) 104th Base Command 1st Platoon leader Pretty Belon sa Sitio Sultan, Barangay Bagoinged, DOS.
Nag-ugat umano ang kaguluhan nang paputukan ng MNLF members ang grupo ni Belon habang sinusundan ng mga ito ang nawawala nilang alagang baka sa nasabing lugar at agad namang gumanti ang MILF members.
Ipinahayag din ng MILF na sinunog pa umano ng MNLF ang ilang bahay bagay na mariin namang itinanggi ni MNLF Vice Chairman Romeo Sema.
Kaugnay nito, ayon kay Sema may hakbang na umanong ginagawa ang pamunuan ng dalawang moro fronts upang magkaayos.
Maswerte namang walang naitalang sugatan sa naturang engkwentro.