Maraming nabigo na masaksihan sa Pilipinas ang pambihirang partial solar eclipse o annular eclipse.
Ito ay bunsod na natakpan ng kaulapan ang eclipse at para masaksihan sana ang tinatawag na “ring of fire.”
Ang pagtakip ng kaulapan sa astronomical event ay kasunod na rin ng ulat ng PAGASA na ang cloudy skies ay sasabayan din ng kalat kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Central Luzon, Metro Manila, Rizal, at Northern Quezon bilang epekto ng papalayong bagyong Ursula.
Sa lungsod ng Maynila nagpahiram pa ang national planetarium ng kanilang malaking teleskopyo nang magsimula ang eclipse dakong alas-12:30 ng hapon.
Nagpaliwanag naman ang PAGASA Astronomical Observatory na ang kakaibang celestial event ay mas malinaw na nakita sa ilang bahagi ng Mindanao lalo na sa southernmost part ng Davao Occidental.
Sa ibang bahagi kasi ng bansa ay partial solar eclipse lamang ang makikita.
Ilang mga netizens naman na hindi nasilayan ang huling solar eclipse ng dekada ang idinaan sa biro sa social media o memes ang pangyayari.
Ang iba naman ay nagkaroon pa ng viewing party para lamang maging bahagi ng educational at historical event.
Tinataya namang milyun-milyong mga solar eclipse watchers sa ibang panig ng mundo ang naging bahagi ng naturang rare occurence sa kalawakan.
Agaw pansin si Indian Prime Minister Narendra Modi kung saan nag-post pa ito sa internet na dismayado siya dahil hindi nakita ang ring of fire na nakapaligid sa araw bunsod din ng kaulapan.
“Like many Indians, I was enthusiastic about #solareclipse2019. Unfortunately, I could not see the Sun due to cloud cover but I did catch glimpses of the eclipse in Kozhikode and other parts on live stream. Also enriched my knowledge on the subject by interacting with experts,” ani PM Modi sa Twitter post.
Ayon sa mga eksperto ang annular eclipse ay nangyayari kung ang buwan ay malayo sa mundo at hindi kayang matakpan ang buong araw o sun.
Sinasabing muling magaganap ang annular eclipse sa taong 2063 pa at huli itong nasilayan noong taong 1944.