Maraming mga sporting events sa iba’t ibang panig ng mundo ang kinansela dahil sa banta ng novel coronavirus.
Unang ipinagpaliban ang World Athletics Indoor Championsip sa Nanjing, China na nakatakda sana sa Marso 13-15, ganon din kinansela ng Asian Athletics Association ang kanilang indoor championship sa Hangzhou, China sa darating na Pebrero 12-13.
Hihilingin din ng Australian officials ang pagpapaliban sa AFC Asian Champions League matapos na magpatupad ang Australian government ng travel ban mula at galing sa China.
Maghaharap kasi ang Shanghai Shenhua at Shanghai SIPG laban sa Perth Glory at Sydney FC sa susunod na Linggo.
Inilipat naman mula sa Wuhan patungong Australia ang Olympic soccer qualifying tournament sa pagitan ng China, Australia, Taiwan at Thailand habang iniurong din ng Chinese Football Association ang lahat ng kanilang domestic games.
Hindi na rin itutuloy ang unang winter X-Games sa Hebei province mula Pebrero 21-23 gayundin kinansela ng Skiing governing body ang World Cup sa Yanqing na nakatakda sana sa Pebrero 15-16.
Maging ang Longines Masters sa Hong Kong showjumping na gaganapin sa Pebrero 14- 16 ay kanselado na rin.
Maging ang LPGA golf tournament na nakatakda sa Marso 5-8 sa Blue Bay na gaganapin sa Hainan ay kanselado.
Inilipat na rin ng Internationa Basketball Federation ang Tokyo Olympic qualifiers sa Belgrade mula sa dating Foshan na magaganap sa Pebrero 6-9.
Napili rin ang Jordan ng Internationa Olympic Committee ang boxing qualifiers para sa Asia at Oceana na gaganapin sana sa Wuhan mula Marso 3-11.
Maraming mga manlalaro naman ng badminton ang umatras sa China Masters tournament na gaganapin sa Hainan China mula Pebrero 25 hanggang Marso 1.
Wala pang lugar na nahanap ang International Tennis Federation para sa Fed Cup Asia at Ocenia Group I sa pagitan ng China, Taiwan, Indonesia, South Korea at Uzbekistan matapos na tumanggi ang Kazakhstan na sa kanila ganapin ito.
Habang kuwestiyonable na rin kung matutuloy pa ang all-electric Formula E motor racing series na gaganapin sa Sanya sa Marso 21 kung saan magiging host din ang Chinese Grand Prix sa Formula One sa Abril 19.